RIYADH, Saudi Arabia – Hindi bababa sa 10 sundalong Amerikano ang nasugatan matapos ang umano’y missile at drone attack mula sa Iran sa isang military base sa Saudi Arabia, ayon sa mga opisyal ng U.S.
Batay sa ulat, ang target ay ang Prince Sultan Air Base kung saan nakadestino ang mga pwersang Amerikano. Dalawa sa mga sugatan ang nasa malubhang kondisyon, at ilang military aircraft umano ang nasira sa pag-atake.
Ayon sa mga opisyal, gumamit ng kombinasyon ng missile at drones sa strike. Sinabi rin na dati nang naging target ng Iran ang naturang base.
Ayon sa U.S. Central Command, mahigit 300 sundalo na ang nasugatan sa patuloy na labanan sa rehiyon, bagama’t karamihan ay nakabalik na sa tungkulin.
Kasabay nito, patuloy ang pagtaas ng tensyon sa Middle East habang may mga ulat ng posibleng ceasefire talks, ngunit wala pang kumpirmadong negosasyon mula sa Iran.
Samantala, naghahanda rin umano ang U.S. na magpadala ng dagdag na tropa sa rehiyon, kabilang ang libu-libong Marines at mga sundalo, bilang suporta sa operasyon at posibleng contingency response.
Habang umiigting ang krisis, nananatiling sentro ng alalahanin ang seguridad sa mga base militar at ang epekto ng labanan sa pandaigdigang presyo ng langis at ekonomiya. RNT/MND