Home NATIONWIDE Energy-saving measures mahigpit na ipatutupad ng pamahalaan sa gov’t agencies – ES...

Energy-saving measures mahigpit na ipatutupad ng pamahalaan sa gov’t agencies – ES Recto

118
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga ahensya ng pamahalaan na mahigpit na sundin ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtitipid ng enerhiya.

Sinabi ni Recto na bukod sa tulong pinansyal sa mga apektado ng krisis sa langis, muling pinatitibay ng pamahalaan ang malawakang energy conservation program. Mahigit 1,000 opisina na ang sinuri upang matiyak ang tamang paggamit ng ilaw, air-con, at kagamitan.

Ang mga sasakyan ng pamahalaan ay nilimitahan sa opisyal na gamit lamang, maliban sa mga pangkaligtasan at pangkalusugan.

“Ang pinakamahalagang watt o litro ng gasolina ay ‘yung mga hindi nagagamit,” ayon kay Recto.

Dagdag pa ni Recto, maging sa ASEAN Summit ay ipinatutupad ang pagtitipid—binawasan ang gastusin at aktibidad, at mas binigyang-diin ang paglutas ng problema kaysa magarbong palabas.

Hinimok din niya ang pribadong sektor na magpatupad ng kaparehong hakbang at pinuri ang mga negosyong nagpaliban ng taas-presyo at mga lungsod gaya ng Maynila at Quezon City na nagbibigay ng libreng sakay.

Ayon kay Recto, “Ito ay mga halimbawa ng damayan upang sabay-sabay nating malampasan ang krisis.”

Sinabi ni Recto na pinahahalagahan ng administrasyong Marcos ang “mapamaraan at nakaka-inspiradong hakbang” ng pamahalaang lungsod ng Maynila na lubos na sinusuportahan ang operasyon ng libu-libong jeepney upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.

Dagdag pa niya bago pa man ang pagtaas ng presyo ng langis, ilang lungsod, partikular ang Quezon City, ay nagpakalat na ng mga bus na nagbibigay ng libreng sakay, at ito ay lalo pang pinalawak. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here