MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga driver ng public utility vehicles (PUVs) na panatilihin ang kalmado at iwasan ang road rage sa kasagsagan ng biyahe ngayong Semana Santa.
Binigyang-diin ni LTFRB chair Vigor Mendoza II na may pananagutan ang mga driver sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero kaya dapat pairalin ang disiplina at pagpipigil sa kalsada.
“Learn from the lessons of road rage incidents in the past. Wala itong naibubungang maganda at sisirain lang nito ang araw nyo. Hindi kabawasan sa pagkatao at pagka-lalaki ang pagpapasensya para sa kapakanan ng ating pamilya,” ani Mendoza.
“Mataas na ang presyo ng diesel at gasolina, huwag na ninyong dagdagan ng gastos sa pang-piyansa.”
Hinimok din niya ang mga operator at kumpanya ng transportasyon na paalalahanan ang kanilang mga driver na sumunod sa mga patakaran sa kalsada, kabilang ang mga hakbang laban sa road rage.
Inatasan na rin ang mga regional director ng LTFRB na paigtingin ang inspeksyon sa mga bus at iba pang PUV, kabilang ang kondisyon ng sasakyan pati na ang mental at pisikal na kalagayan ng mga driver.
Nauna nang nag-isyu ang ahensya ng 1,297 special permits para sa mga bus upang matugunan ang inaasahang pagdami ng pasahero.
“Remember that Holy Week is also a time for reflection. And one of the best ways to observe Semana Santa is to exercise discipline and self-control in times of any incident that challenges your character,” dagdag ni Mendoza. Santi Celario