MANILA, Philippines — Handa na ang lahat ng transport hubs sa bansa para sa inaasahang dagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na ipinatutupad ang whole-of-government approach upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang sapat na pampublikong transportasyon at tuloy-tuloy na daloy ng trapiko.
“Minabuti po namin kasama po ang DILG (Department of the Interior and Local Government), DPWH (Department of Public Works and Highways), PNP (Philippine National Police), maging ang LTO (Land Transportation Office) at LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) na siguruhing wala tayong obstruction sa kahabaan ng mga highway (In cooperation with the DILG, DPWH, PNP, LTO, and LTFRB, we are ensuring that there will be no obstructions along highways),” ani Lopez.
Mahigit limang milyong pasahero ang inaasahang dadaan sa mga paliparan, pantalan, bus terminal, at istasyon ng tren sa panahon ng bakasyon.
Nag-deploy na rin ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 17,000 tauhan at inilagay sa full alert ang lahat ng yunit upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan. Inatasan din ang PCG na maghanda ng mga sasakyang-dagat sa matataong lugar upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga maii-stranded na pasahero.
“Ito po ay usually sa Marinduque, sa Batangas, at sa Calapan. Naka-ready na po ang ating mga coast guards (These are usually in Marinduque, Batangas, and Calapan. Our coast guards are ready),” ani Lopez.
Pansamantalang ihihinto ang operasyon ng LRT-1, LRT-2, at MRT-3 mula Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay para sa taunang maintenance, habang mananatiling bukas ang EDSA Busway, jeepney, at TNVS.
Upang matugunan ang demand, nag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 1,297 special permits para sa mga provincial bus at pinaalalahanan ang mga motorista na iwasan ang road rage.
Samantala, pinalawak ng Philippine Ports Authority (PPA) ang Online Reservation Assistance System (ORAS) upang mas mapadali ang booking ng mga pasahero sa mas maraming pantalan. Dave Baluyot