MAY agarang tulong-pinansyal ang hatid ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mga kawani ng gobyerno matapos ilunsad ang programang “Balik Ginhawa,” na nag-aalok ng modified 3-month loan moratorium at isang beses na cash refund.
Layunin ng programa na maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga miyembro, bilang bahagi ng suporta ng GSIS sa UPLIFT program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.
Sa ilalim ng Balik Ginhawa, magpapatuloy ang loan deductions ng mga miyembro, ngunit ibabalik nang buo—at isang bagsakan—ang katumbas ng kanilang hulog mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026. Dahil dito, makakatanggap agad ng mas malaking halaga ang mga benepisyaryo na maaari nilang magamit sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Boluntaryo ang paglahok sa programa at kapag naaprubahan, mapapalawig ang pagbabayad ng loan nang tatlong buwan nang walang karagdagang interes o multa.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, idinisenyo ang Balik Ginhawa upang magbigay ng mabilis na tulong habang pinananatiling matatag ang pondo ng ahensya.
“Agad ninyo itong magagamit para sa inyong mga pangangailangan, habang nananatiling matatag at maaasahan ang GSIS para sa lahat ng miyembro,” ani Veloso.
Maaaring mag-apply ang mga miyembro sa pamamagitan ng GSIS Touch app, kaya’t hindi na kailangang lumabas o gumastos sa pamasahe upang makapag-avail ng programa. JAY Reyes