GENERAL SANTOS CITY — Natagpuang patay ang isang magsasaka na may hiwang lalamunan sa loob ng isang farmhouse sa Barangay Katangawan nitong Martes ng umaga, Marso 31, ayon sa mga awtoridad.
Kinilala ang biktima bilang stay-in worker na nakatalaga sa fish farming, habang ang suspek ay kanyang katrabaho.
Batay sa imbestigasyon, nadiskubre ng anak ng biktima ang kanyang ama na wala nang buhay at may malalang sugat sa leeg. Huling nakita ang biktima at ang suspek na magkasama bandang ala-1 ng madaling araw habang umiinom.
“Nag-inom-inom ata sila diri sir, tapos wala nagsinabtanay mao nahimo to sa suspek ang paggulgul,” ayon sa kamag-anak ng biktima.
Naniniwala ang mga awtoridad na nag-ugat ang insidente sa hindi pagkakaunawaan na nauwi sa karahasan.
Ayon kay Police Station 8 Commander Robert Fores, may voice recording na ipinadala sa pamamagitan ng isang middleman na nagpapahiwatig ng planong pagsuko ng suspek.
“May voice recording nga gipadala ang usa ka middleman nga katabang sa Police Station 8 aron mo-surrender ang suspect. Ang ingon sa voice recording nga akong nadunggan, “ikaduha na ni gihimo sa akoa.” So, kung imong tan-awon, pareho silang nagtrabaho sa farm, posibleng naa’y panagbangi or umasta nga pareho lang sila nga trabahante, murag nag-asta nga tag-iya katong biktima. Murag kana ang pagsabot,” ani Fores.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang may-ari ng farm habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Mary Anne Sapico