MANILA, Philippines – Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order sa rehistradong may-ari at driver ng Yamaha Mio 125S, kaugnay sa isang viral video sa social media kung saan makikita na ang kanyang motorsiklo ay nagcounterflow nang walang dahilan habang may mga kasalubong na mga sasakyan. Ang ginawa nya ay mapanganib at maaaring magdulot ng aksidente at perwisyo sa ibang motorista.
Batay sa SCO, ang may-ari at driver ay inaatasan na humarap sa Intelligence and Investigation Division para magsumite ng sinumpaang pahayag at mga dokumento para ipagtanggol ang sarili laban sa mga kasong Driving on Wrong Side, Reckless Driving, at posibleng pagkakasangkot bilang Improper Person to Operate a Vehicle.
Kaugnay nito habang patuloy ang imbestigasyon, ang lisensya ng driver ay suspendido ng 90-araw at kailangang isumite agad sa LTO-IID. Samantala, ang motorsiklo ay ilalagay sa alarm status. Maaari din sila kumuha ng isang abogado sa araw ng pagdinig ng kaso.
Kapag hindi sila dumating sa takdang pagdinig, ito ay malinaw na pagbabalewala na madinig ang kanilang panig at ang kaso ay pagpapasiyahan ayon sa ebidensyang hawak ng ahensya. Santi Celario