MANILA, Philippines — Inaresto ng US federal agents ang walong indibidwal, kabilang ang ilang may dugong Filipino, kaugnay ng umano’y $50 milyong hospice fraud sa California.
Ayon sa mga prosecutor, nagtatag umano ang mga suspek ng network ng hospice businesses na ginagamit para pagkakitaan ang sistema sa pamamagitan ng pag-enroll ng mga pasyenteng hindi naman terminally ill, ngunit sinisingil sa Medicare na tila nasa huling yugto na ng buhay.
Lumabas sa imbestigasyon na hinihikayat umano ang mga pasyente, minsan ay may kapalit na pera o benepisyo, para sumali sa hospice care kahit hindi kailangan.
Pagkatapos, binabago ang medical records upang magmukhang malala ang kondisyon ng pasyente at makakuha ng malaking bayad mula sa gobyerno.
Tinukoy ng mga awtoridad ang umano’y sistematikong modus tulad ng palsipikadong diagnosis, kahina-hinalang certification ng terminal illness, at referral kapalit ng kickback.
Nabunyag ang operasyon matapos mapansin ang kakaibang trend ng ilang hospice providers, kabilang ang mataas na bilang ng mga pasyenteng kalaunan ay nadidischarge nang buhay, na hindi karaniwan sa ganitong uri ng serbisyo.
Ayon sa mga opisyal, hindi lamang pondo ng gobyerno ang naapektuhan kundi pati ang kalusugan at tiwala ng mga pasyente, dahil may ilan na maaaring napigilan sa tamang gamutan.
Ang mga nahuling suspek ay maaaring humarap sa mabibigat na kaso at posibleng mahabang pagkakakulong kapag napatunayang guilty. RNT/JGC