Home NATIONWIDE Special cash payout sa mga ‘di pumaldo sa unang ayuda, itinakda ng...

Special cash payout sa mga ‘di pumaldo sa unang ayuda, itinakda ng DSWD

125
0

MANILA, Philippines — Magkakaroon ng special cash relief payout sa susunod na linggo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga transport worker sa National Capital Region na hindi naserbisyuhan sa mga naunang pamamahagi ng ayuda.

Sa isang panayam sa radyo nitong Martes, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na matatanggap na sa susunod na linggo ng mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) at Jeepney Operators and Drivers Association (JODA) ang kanilang PHP5,000 na financial assistance.

Saklaw din ng special payout ang mga kwalipikadong Transportation Network Vehicle Services drivers, motorcycle taxi drivers, at delivery riders na hindi naisama sa unang listahan o hindi nakapag-claim ng ayuda sa mga naunang iskedyul ng payout.

Ayon kay Dumlao, nakapagtalaga na ang DSWD ng apat na payout sites sa Metro Manila upang mas mapadali ang pagkuha ng ayuda at maiwasan ng mga benepisyaryo ang dagdag-gastos sa petrolyo.

“We have identified four payout sites— meron po sa South, sa North, sa Central NCR, para again, hindi naman mahirapan yung ating mga drivers na kumuha, gagastos pa ng karagdagang petrolyo para pumunta doon sa designated payout sites na malayo naman sa kanya,” ani Dumlao.

“So, those payout sites will be announced or we will publish for the reference of the drivers,” aniya pa.

Sinabi rin niya na nagpapatuloy ang verification process ng ahensya kasama ang pamunuan ng mga Transport Network Companies upang ma-cross-check ang master list at matanggal ang mga duplicate entry ng riders.

Tiniyak naman ni Dumlao sa mga driver at rider na sapat ang pondong inilaan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program ng DSWD para masaklaw ang lahat ng target beneficiaries.

“Sasapat naman po yung 30 billion pesos na in-earmark satin para sa cash relief assistance at kahit dagdagan pa yan ano ng same amount para naman doon sa mga ibang drivers outside of Metro Manila. We have more than enough budget for this,” ani Dumlao.

Ayon pa sa kanya, ang special payout ay alinsunod sa pangako ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na lahat ng kwalipikadong PUV drivers sa NCR ay dapat makatanggap ng ayuda, gayundin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang public transport driver ang dapat maiwan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here