Home NATIONWIDE Tax incentives sa DepEd, pinatibay para maibsan gastos sa edukasyon

Tax incentives sa DepEd, pinatibay para maibsan gastos sa edukasyon

131
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara nitong Miyerkules ang mahalagang papel ng umiiral na tax incentives upang matulungan ang mga paaralan at pribadong katuwang na makayanan ang tumataas na gastos sa operasyon sa gitna ng pandaigdigang economic pressures at patuloy na tensyon sa Middle East.

Ayon kay Angara, nagsisilbing “buffer” ang mga fiscal measures upang mapanatili ng sektor ng edukasyon ang pamumuhunan sa kalidad ng pagkatuto sa kabila ng pagtaas ng presyo ng fuel, transport, at logistics.

“Aligned with President (Ferdinand) Bongbong Marcos’ priority to shield education from economic volatility, these incentives enable schools and their partners to maximize limited resources and free up funds for teaching and learner support,” aniya.

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na sa ilalim ng umiiral na batas, ang non-stock, non-profit educational institutions ay exempt sa income tax basta’t ang kita ay gagamitin lamang sa edukasyon. Ang mga proprietary schools naman ay may 10% preferential income tax rate.

Nanatiling VAT-exempt din ang tuition at iba pang educational services.

Ibinida rin ang mga hakbang tulad ng duty-free importation ng books at learning materials, at tax credits para sa mga paaralang nag-iinvest sa renewable energy upang mabawasan ang gastos sa kuryente.

Suportado rin ang pribadong sektor sa pamamagitan ng Adopt-a-School Program, kung saan ang donations ay may 150% tax deductibility at maaaring maging exempt din sa donor’s tax at VAT sa ilang kondisyon.

Para naman sa mga kumpanyang nag-iinvest sa workforce development, maaari silang makakuha ng 150% deduction sa training expenses na tataas sa 175% pagsapit ng Enero 1, 2028.

Ang mga business enterprises na magdo-donate ng capital equipment sa mga government agencies, SUCs, o DepEd-accredited schools ay maaari ring ma-exempt sa donor’s tax at customs duties.

Paalala ni Angara, mahalaga pa ring sundin ang tamang dokumentasyon at mga regulasyon.

Tiniyak ng DepEd na patuloy nitong palalakasin ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapanatiling abot-kaya at dekalidad ang edukasyon sa gitna ng global inflation. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here