Home NATIONWIDE Mga umano’y cash envelope ipina-subpoena sa impeachment hearings ni VP Sara

Mga umano’y cash envelope ipina-subpoena sa impeachment hearings ni VP Sara

113
0

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng House Committee on Justice ang pagsu-subpoena ng mga dokumento kaugnay ng umano’y pamamahagi ng “cash envelopes” sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Batay sa subpoena, hinihingi ng komite ang mga dokumentong isinumite ni dating Education Undersecretary Gloria Jumamil Mercado, na nag-akusang nakatanggap siya ng mga sobre ng pera umano mula kay Duterte noong 2023.

Kasama rin sa ipinasusumite ang transcripts at video recordings ng mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability mula Setyembre hanggang Nobyembre 2024.

Ayon kay Mercado, nakatanggap siya ng siyam na sobre ng pera mula Pebrero hanggang Setyembre 2023, na kadalasang ibinibigay umano ng isang opisyal at sinasabing galing sa bise presidente.

“These envelopes were handed to me… which she says came directly from Vice President Duterte,” ani Mercado sa naunang pagdinig.

Mariing itinanggi naman ni Duterte ang alegasyon at tinawag si Mercado na isang “disgruntled” na dating empleyado.

Ang hakbang ay bahagi ng pagkalap ng ebidensya ng komite bago ang susunod na pagdinig sa Abril 14, kung saan tatalakayin kung may sapat na basehan ang mga reklamo upang iakyat sa plenaryo.

Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, banta umano laban sa Pangulo at iba pang opisyal, at isyu ng hindi tugmang yaman sa kanyang deklarasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here