ILOCOS NORTE, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) – Ilocos Regional Office ang isang dayuhang Indian national sa entrapment operation noong Abril 6 matapos umanong tangkain suhulan ang isang opisyal para mapabilis ang pagproseso ng kanyang NBI clearance.
Ayon sa mga awtoridad, nag-apply ang suspek ng NBI clearance noong Marso 17. Ngunit nagkaroon ito ng “with hit” status, na indikasyon ng posibleng kaparehong pangalan sa may kriminal na rekord o may nakabinbing kaso.
Pinayuhan ang suspek na magsumite ng karagdagang dokumento para mapatunayan ang kanyang pagkakakilanlan at malinis ang kanyang record.
Sa halip, sinubukan umano nitong mag-alok ng pera sa isang NBI personnel kapalit ng agarang paglabas ng clearance.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang NBI at naaresto ang suspek habang inaabot ang pera.
Kasalukuyan siyang nahaharap sa kasong corruption of public officials. Iniimbestigahan din kung siya rin ang taong may kaugnayan sa isang nakabinbing kaso sa Capiz. RNT/MND