MANILA, Philippines – Tinugis ng pulisya ang hindi pa nakikilalang suspek sa tangkang pag-ambush sa isang 39-anyos na utility driver sa Barangay North Poblacion, Maramag, Bukidnon noong Biyernes ng hapon, Nobyembre 13.
Sugatan din ang 55-anyos na babaeng pasahero ng biktima matapos itong tumalon mula sa umaandar na sasakyan upang makaiwas sa pamamaril.
Kinilala ng pulisya ang pangunahing target ng pag-atake sa alyas na “Tonton,” residente ng Purok 5, Barangay South Poblacion sa Maramag. Ang kanyang pasahero ay residente naman ng Purok 5B, Zubiri Village sa North Poblacion.
Ayon sa Maramag Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen bandang alas-4:15 ng hapon hinggil sa pamamaril sa Purok 5A.
Batay sa paunang imbestigasyon, minamaneho ni Tonton ang kanyang de-motor na traysikel o bao-bao nang tabihan sila ng suspek na sakay ng pulang Honda Wave motorcycle na walang plaka.
Bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at sunod-sunod na pinaputukan ang driver, na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kili-kili.
Sa pagtatangkang makaiwas sa panganib, tumalon mula sa umaandar na sasakyan ang babaeng pasahero at nagtamo ng mga sugat.
Dinala ng mga residente ang dalawang biktima sa Bukidnon Provincial Hospital–Maramag bago dumating ang mga pulis. Kinumpirma ng mga doktor na nasa stable na kondisyon na ang dalawa.
Narekober naman ng mga imbestigador ang limang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril sa pinangyarihan ng insidente.
Naglatag na ang pulisya ng containment ring at nagsasagawa ng manhunt operation upang matukoy at mahuli ang suspek. RNT/JGC