MANILA, Philippines – Noong Biyernes, Abril 10, pinuri at sinuportahan ni Senador Joel Villanueva ang panukala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na gumamit ng principles-based framework para sa salary-based personal loans, kung saan mas pagbabatayan ang kakayahan ng borrower na magbayad.
Ayon kay Villanueva, makatarungan ang hakbang dahil isasaalang-alang nito ang tunay na financial capacity ng mga umutang.
“Masasabi po natin na patas ang ganitong hakbang, at matagal na rin po ang ating hinintay para ipatupad ito ng BSP,” ani Villanueva, na chair ng Senate committee on banks.
Sa draft circular ng BSP, lilipat mula sa mahigpit na loan term limits patungo sa mas flexible na sistema kung saan ang repayment terms ay ibabatay sa creditworthiness, repayment history, at layunin ng utang. Ang terms ay pag-uusapan ng borrower at lender, basta sumusunod sa risk management standards.
Dahil dito, aalisin ang dating patakaran na nagtatakda ng hanggang tatlong taon na loan term para sa education, hospitalization, emergency, travel, household at iba pang personal loans, at maaaring umabot hanggang limang taon sa special cases.
Sinabi ni Villanueva na makatutulong ito sa layunin ng Kongreso na protektahan ang mga borrower mula sa hindi akmang loan terms sa kanilang financial situation.
Dagdag niya, handa ang Senate committee on banks na magbantay sa implementasyon ng polisiya.
Binigyang-diin din niya na sabay-sabay na lumalabas ang mga hakbang ng iba’t ibang ahensya tulad ng BSP, GSIS, at SSS na tumutugon sa problemang pinansyal ng mga Pilipino.
“These are not isolated decisions. They are all pointing to the same reality on the ground,” ani Villanueva. RNT/MND