UMABOT sa tinatayang ₱1.8 bilyong halaga ng ilegal na produkto ang nasamsam sa magkakahiwalay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na kalakalan at pagmimina noong Abril 10, 2026.
Ayon sa PNP, isinagawa ang mga operasyon sa ilalim ng pinaigting na kampanya kontra kriminalidad sa pamumuno ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., kung saan ilang indibidwal din ang naaresto.
Sa Lapu-Lapu City, Cebu, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng pulisya ang isang pasilidad sa Cebu Light Industrial Park sa Barangay Basak sa bisa ng search warrant.
Limang katao, kabilang ang apat na dayuhan, ang nahuli dahil sa umano’y paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o falsification at paggamit ng pekeng dokumento.
Nabunyag sa operasyon ang isang malakihang iligal na paggawa ng sigarilyo. Libo-libong kahon ng sigarilyo na hinihinalang may pekeng tax stamps ang nakumpiska, kasama ang mga makina at hilaw na materyales na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.1 bilyon.
Samantala, sa Valenzuela City, sinalakay naman ang isang bodega sa Barangay East Canumay sa ilalim ng Oplan Mega Shopper na pinangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), katuwang ang Bureau of Customs (BOC), Department of Trade and Industry (DTI), at iba pang ahensya.
Nasamsam sa naturang operasyon ang mga imported na pabango na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱700 milyon. Patuloy namang pinaghahanap ang pangunahing suspek na kinilalang “Allen,” na nananatiling at large.
Ayon sa DTI, sasailalim sa beripikasyon ang mga nakumpiskang produkto upang matiyak ang pagsunod sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Sa Surigao del Sur, dalawang indibidwal naman ang naaresto sa isinagawang operasyon laban sa ilegal na pagmimina sa Barangay Osmeña, Tagbina.
Sa koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng pulisya at Department of Environment and Natural Resources (DENR), nasamsam ang mga kagamitang pangmina tulad ng water pump, sluice mats, at mga kasangkapang panghukay, pati na ang nasa 70 sako ng lupa na pinaghihinalaang may lamang ginto.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995.
Iginiit ng PNP na magpapatuloy ang kanilang intelligence-driven operations katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan upang sugpuin ang iligal na aktibidad sa bansa.
“Walang puwang ang mga lumalabag sa batas. Patuloy naming paiigtingin ang operasyon para maprotektahan ang mamamayan at kalikasan,” ayon sa PNP. JAY Reyes