MANILA, Philippines – PARA sa Malakanyang, hindi magandang balita ang nabigong ceasefire talks sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, isang malinaw na babala ng patuloy na peligro sa global oil supply at presyo.
“Hindi siya magandang balita dahil ang nais po natin… ay magkaroon na po talaga ng permanenteng pagtigil ang sigalot dito sa Middle East,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa ulat, tinanggihan ng Iran ang ilang kondisyon ng US sa isinusulong na usapang pangkapayapaan para wakasan ang kanilang digmaan.
Inamin ni Castro na kapag tumagal ang tensyon ay patuloy na maaapektuhan ang petroleum products.
“Definitely, kung magpapatuloy pa po ito, makakaapekto pa rin po ito sa produktong petrolyo,” aniya pa rin.
Sa kabila ng setback, sinabi ni Castro na pinananatili naman ng Pilipinas ang “non-hostile” standing nito kasama ang Iran, na makatutulong para pagaanin ang potensiyal na pagkagambala.
Samantala, ang situwasyon ay inaasahang tatalakayin sa susunod na pagpupulong ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport Committee, nangungunang pagtugon ng gobyerno sa krisis sa enerhiya bunsod ng global developments. (KRIS JOSE)
Sa ulat, bago umalis ng Islamabad, Pakistan, ipinahayag ni US Vice President JD Vance, na siyang namuno sa delegasyon ng Amerika, ang kanyang pagkadismaya matapos ang 21-oras na negosasyon na nagtapos kahapon sa nasabing bansa.
Nagturuan ang magkabilang panig sa pagkabigo ng 21-oras na pag-uusap pero iginiit ni Vance na nagmatigas ang Iran at tinanggihan ang mga kondisyon ng Amerika, partikular na ang pangakong hindi sila gagawa ng nuclear weapons.
Aniya, ang pagpapatigil sa paggawa ng Iran ng mga nuclear weapon ang pangunahing layunin ni US President Donald Trump sa naturang negosasyon.
Ang nasabing digmaan, na nagsimula anim na linggo na ang nakalilipas, ay pumatay na ng libo-libong tao at nagpataas sa presyo ng langis sa buong mundo.
“The bad news is that we have not reached an agreement, and I think that’s bad news for Iran much more than it’s bad news for the United States of America. So we go back to the United States having not come to an agreement. We’ve made very clear what our red lines are,” giit ni Vance.
Samantala, iniulat ng Tasnim, ang semi-official news agency ng Iran, na ang labis na demand ng US ang naging hadlang sa kasunduan.
Bagaman may mga isyung napagkasunduan, nanatiling malaking balakid ang usapin sa Strait of Hormuz at ang nuclear program ng Iran.
Nagsimula ang tensiyon sa Middle East noong Pebrero 28 nang maglunsad ng air strike ang US at Israel sa Iran.
Kasalukuyang umiiral ang dalawang linggong ceasefire na napagkasunduan noong nakaraang Martes.
Nanatiling sarado ang Strait of Hormuz kung saan dumadaan ang halos 20 porsiyento ng suplay ng enerhiya sa buong mundo matapos itong harangan ng Iran.
Samantala, nanawagan si Pakistan Foreign Minister Ishaq Dar na patuloy na tuparin ng magkabilang panig ang kanilang ceasefire agreement upang maiwasan ang lalong paglala ng kaguluhan. KRIS JOSE