MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte nitong Martes ang mga alegasyon ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang dati umanong aide at bagman ng bise presidente, at tinawag ang mga pahayag nito na “pure fiction” bago ang pagharap niya sa House Committee on Justice.
Sa isang pahayag, sinabi ni Salvador Paolo Panelo Jr., legal counsel ni Duterte, na hindi kapanipaniwala ang mga alegasyon ni Madriaga tungkol sa umano’y lihim na term-sharing agreement, planong pagpapatalsik sa puwesto, at tangkang pagpaslang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“His allegations of a secret term-sharing agreement, planned ouster, and assassination plots against PBBM are pure fiction, and not even remotely believable,” Panelo said.
Iginiit din ni Panelo na walang ebidensya ang mga paratang ni Madriaga at handa umano silang sagutin ang bawat isa kung kinakailangan.
“If the need arises, we will be happy to refute each delusional claim point by point with evidence — something that has eluded all his allegations, past and present,” he added.
Sa isang sulat-kamay na may petsang Abril 11, 2026, inakusahan ni Madriaga si dating pangulong Rodrigo Duterte na umano’y may planong patalsikin si Marcos sa puwesto noong 2025 upang mailuklok ang anak nitong si Sara Duterte bilang pangulo. Ayon sa GMA News, nakuha nito ang liham na may pirma ni Madriaga mula sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa kampo nito.
Lumabas ang alegasyon isang araw bago ang nakatakdang pagharap ni Madriaga nitong Martes sa House Committee on Justice kaugnay ng impeachment proceedings laban sa bise presidente. Dumating siya sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City bago mag-7 a.m.
Ayon kay Panelo, lalong nakatutulong sa depensa ni Vice President Sara Duterte ang mga pahayag ni Madriaga sa publiko.
“This is precisely what I meant when I said that the more Ramil Madriaga speaks, the better it becomes for Vice President Sara Duterte’s defense,” Panelo said.
“I have repeatedly said that making Madriaga testify would just reveal his lack of credibility and expose his lies. He has now succeeded in doing exactly that even before uttering a single word under oath in the House Justice Committee,” he added.