Home NATIONWIDE Pagsama ng pribadong sasakyan sa toll discount, iminungkahi ng solon

Pagsama ng pribadong sasakyan sa toll discount, iminungkahi ng solon

97
0

MANILA, Philippines – Iminungkahi ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Cavite Rep. Jolo Revilla na mabigyan ng toll discount ang mga pribadong sasakyan sa harap na rin ng nararanasang krisis.

Sa pagdinig ng Legislative Energy and Development (LEAD) Joint Committee sinabi ni Revilla na mayroon nang tulong ang pamahalaan para sa public utility vehicles (PUVs) habang kasunud na ang para sa mga magsasaka at mangingisda, dapat na mayroon din tulong para sa pribadong sektor.

“Hindi lang PUVs ang apektado ng mataas na presyo ng langis. Lahat tayo tinatamaan nito—lalo na ang ating middle class na araw-araw bumibiyahe at patuloy na pumapasan sa tumataas na gastusin,” ani Revilla.

Ipinunto ng mambabatas na maraming private vehicle owners ang nagdadala ng kanilang sasakyan patungong trabaho kaya apektado ito ng mataas na presyo ng langis, toll fee at inflation.

Maliban sa toll fee discount, kasama din sa isinusulong ni Revilla ang pagbawas sa value-added tax (VAT) sa basic commodities at paglimita sa pass-through sa mga customer ng system loss charge sa  electricity rates.

“Hindi puwedeng paisa-isang solusyon lang. Kailangan sabay-sabay at magkakaugnay ang ating mga hakbang para talagang maramdaman ang ginhawa,” giit nito.

Sa naganap na pagdinig ng LEAD sinabi ni Revilla na “whole-of-government” approach ang dapat na gawin ng pamahalaan sa nararanasang krisis.

“Ang krisis sa langis at enerhiya ay walang pinipili. Kaya dapat ang solusyon ay inclusive at ramdam ng lahat—hindi lang ng iilang sektor,” paliwanag nito.

Samantala sa LEAD hearing sinabi ni Transport Acting Secretary Giovanni Lopez na bukas sila na pag aralan na ang suhestiyon ni Revilla, aniya, makikipag-usap sya sa mga toll operators ukol dito. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here