Home NATIONWIDE ‘Di pagsama ng diesel sa tax suspension, binatikos ni Imee

‘Di pagsama ng diesel sa tax suspension, binatikos ni Imee

103
0

MANILA, Philippines – Binatikos ni Senador Imee Marcos ang desisyon ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi isama ang diesel sa listahan ng mga produktong petrolyo na saklaw ng suspensyon ng excise tax.

“Nagtanggal nga sila ng excise tax pero hindi pa nila isinama ang diesel na siyang numero unong ginagamit ng ating mga driver, mangingisda, at magsasaka,” ani ng senadora.

Noong Abril 14, inanunsyo ng Pangulo ang suspensyon ng excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosene.

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang presyo ng diesel sa humigit-kumulang P100 kada litro, kahit may rollback na halos P21 kada litro noong Martes.

“Wag na sana nilang unti-untiin ang pag aanunsyo kada klase ng produktong petrolyo at idamay na nila ang krudo agad agad,” dagdag ni Marcos.

Pinuna rin ng senadora ang umano’y pag-asa ng administrasyon sa importasyon sa gitna ng hirap na dinaranas ng mga magsasaka at mangingisda.

“Sa panahon na nahihirapan ang ating mga magsasaka at mangingisda dahil hindi sila makapag ani at makapalaot dahil sa mataas na presyo ng krudo eh importasyon na naman ang sagot ng ating pamahalaan para sa ating pagkain. Imbes na suportahan ay talaga yatang pinapatay na nila ang agrikultura sa ating bansa.”

Nagpahayag din siya ng pangamba sa pagtaas muli ng presyo ng langis sa mundo matapos ang pahayag ni US President Donald Trump tungkol sa planong military blockade sa Straits of Hormuz.

“Malas pa ngayong inanunsyo ang pagtanggal ng taxes, nagtaasan na naman ang presyo ng langis sa mundo dahil sa babala ni Pres[ident] Trump na mag-uumpisa ang kanilang military blockade sa Straits of Hormuz,” aniya.

“Sana sa kabila ng lahat na ito, mapanatili pa rin ang bawas-presyo ng langis dito sa atin, ngayong tayo ang may pinakamatataas na presyo sa buong ASEAN,” dagdag pa niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here