PANGASINAN, Philippines – Muling nahuli ng pulisya ang tatlong preso na tumakas mula sa Sual Municipal Police Station sa Pangasinan matapos ang 72-oras na manhunt operation.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO), nakatakas ang mga suspek noong Abril 12. Naglabas din ng CCTV footage ang pulisya upang mapabilis ang pagkilala at makahingi ng tulong sa publiko.
Sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang police units at tuloy-tuloy na operasyon, natunton at naaresto ang lahat ng tumakas.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya muli ng pulisya ang mga suspek at haharap sa karagdagang kaso ayon sa batas.
Pinuri naman ni Pangasinan PPO Director Police Col. Arbel C. Mercullo ang mga operatiba sa kanilang maayos na koordinasyon at mabilis na aksyon, na aniya’y patunay ng kahandaan at kakayahan ng pulisya sa lalawigan. RNT/MND