OSLO, Norway – Isang 63-anyos na lalaki sa Norway ang itinuring na halos gumaling o “cured” mula sa HIV matapos sumailalim sa stem cell transplant mula sa kanyang kapatid, ayon sa mga doktor noong Lunes.
Ayon sa mga mananaliksik, ang kapatid ng pasyente ay may bihirang genetic mutation na kayang pigilan ang virus na makapasok sa mga cells ng katawan.
Ang pasyente, na tinawag na “Oslo patient,” ay may HIV mula pa noong 2006 at na-diagnose din ng malubhang blood cancer na myelodysplastic syndrome noong 2017.
Dahil dito, kinailangan niya ng stem cell transplant para gamutin ang cancer. Sa paghahanap ng donor, napili ang kanyang nakatatandang kapatid.
Laking gulat ng mga doktor nang matuklasan sa mismong araw ng transplant noong 2020 na ang kapatid pala ay may CCR5 gene mutation na pumipigil sa HIV.
“We had no idea… That was amazing,” sabi ni Dr. Anders Eivind Myhre ng Oslo University Hospital.
Ayon sa pag-aaral, makalipas ang dalawang taon ay itinigil ng pasyente ang pag-inom ng anti-retroviral drugs. Wala nang nakitang bakas ng HIV sa kanyang dugo, bituka, at bone marrow.
“For all practical purposes, we are quite certain that he is cured,” ayon kay Myhre.
Dagdag pa ng mga doktor, ang pasyente ay “having a great time” at mas malakas na ngayon ang pakiramdam.
Gayunman, sinabi ng mga eksperto na ang ganitong procedure ay delikado at ginagamit lamang sa mga pasyenteng may HIV at malubhang blood cancer, kaya hindi ito praktikal para sa karamihan ng may HIV.
Pinaniniwalaan ng mga mananaliksik na makakatulong ang mga ganitong kaso upang mas maunawaan ang HIV at makahanap ng posibleng lunas para sa mas maraming pasyente sa hinaharap. RNT/MND