MANILA, Philippines – Hinimok ng Office of Civil Defense ang mga residente ng Metro Manila na magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay habang patuloy ang paglala ng air quality sa kalakhang Maynila.
Sa advisory na ibinahagi rin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, partikular na pinayuhan ang mga vulnerable group gaya ng mga may respiratory condition, mga bata, mga nakatatanda, at mga buntis na mag-ingat.
“Those who need to go outside are advised to wear face masks and limit prolonged exposure to polluted air,” ayon sa pahayag.
Pinayuhan din ang mga residente na panatilihing sarado ang mga bintana, uminom ng sapat na tubig, at agad magpatingin kung makararanas ng hirap sa paghinga.
Inilabas ang babala habang nababalot pa rin ng makapal na smog ang ilang bahagi ng Metro Manila kasunod ng malaking sunog sa Navotas Sanitary Landfill.
Nauna nang nagbabala si infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na ang matagal na exposure sa smog at maruming hangin ay maaaring magdulot ng mga sakit sa paghinga, kabilang ang chemical pneumonia na sanhi ng toxic air pollutants.
Samantala, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources na pinag-aaralan nito ang pagsasampa ng criminal, administrative, at civil charges laban sa dating operator ng landfill kaugnay ng insidente. Santi Celario