MANILA, Philippines – Hindi bababa sa dalawang naiulat na insidente ng school shooting sa bansa ang iniuugnay ng mga awtoridad sa impluwensiyang nagmula umano sa online gaming platform na Roblox, dahilan upang ikonsidera ng mga senador ang paglalagay dito sa tatlong buwang probation period.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ng Philippine National Police na isang Grade 10 student sa Marikina ang nagdala ng baril ng kanyang ama sa paaralan nang walang pahintulot at kalaunan ay nagpaputok nito, na ikinasawi ng kanyang kaklase.
Ayon kay Police Colonel Romeo Desiderio ng PNP Anti-Cybercrime Group, posibleng naimpluwensiyahan ang estudyante ng violent extremism batay sa nakitang aktibidad sa kanyang cellphone.
Katulad nito ang insidente sa Batangas kung saan isang Grade 12 student ang nagdala rin ng baril sa paaralan noong Pebrero, nagpaputok ng dalawang beses sa sahig ng classroom, at kalaunan ay binaril ang sarili sa kabila ng mga pagtatangkang pigilan siya.Namatay rin siya sa ospital.
Sinabi ni Desiderio na sa pagsusuri sa mga gadget ng estudyante, lumitaw na posible rin umano itong na-groom upang isagawa ang insidente.
Tinalakay rin sa hearing ang napigilang mass shooting plan ng ilang kabataan sa kasagsagan ng foundation week ng kanilang paaralan sa Laguna.
Ayon sa pulisya, naimpluwensiyahan umano ang mga menor de edad ng mga taong nakilala nila sa Roblox, at nadiskubre ang plano sa pamamagitan ng kanilang mga Facebook Messenger chats.
Nakasaad umano sa mga mensahe ang pagtukoy sa mga nagdaang mass attacks at pagtalakay sa paggamit ng fire extinguisher para sa flash-blinding effect, improvised explosive devices, molotov cocktails, at planong magsagawa ng school shooting sa lokal bago magpakamatay. Ang mga menor de edad, na may edad 12 hanggang 15, ay nasagip noong Enero 13.
Ayon sa mga awtoridad, mas madaling mabiktima ng online grooming ang mga batang labis ang oras sa gadgets at hindi nababantayan ng kanilang mga magulang.
Sinabi ng isang opisyal ng PNP Anti-Cybercrime Group na sinasamantala ng mga groomer ang paghahanap ng mga bata ng identity at sense of belongingness, habang ayon naman kay CICC Executive Director Aboy Paraiso, inililipat ang ilang bata mula sa game platform patungo sa ibang messaging platforms kung saan sila iniindoctrinate at tinuturuan ng karahasan.
Wala pang inilalabas na pahayag ang Roblox partikular sa pagkamatay ng mga bata, ngunit nakipagpulong na ang kanilang mga kinatawan sa pamahalaan kaya hindi na itinuloy ang planong ban na sana’y ipatutupad ngayong Abril.
Sinabi ng kumpanya na in-update nito ang safety systems at pinasimple ang parental controls, kabilang ang pagtanggal ng chat mode para sa mga batang lima hanggang walo ang edad at paglilimita ng chat ng mga edad siyam hanggang 15 sa kapwa nila kaedad.
Ayon kay Roblox Vice President for Global Public Policy Nicky Jackson, kinakailangan na ngayon ang video selfie para sa age verification at mataas umano ang accuracy nito sa loob ng isa hanggang tatlong taon na age range.
Ngunit iginiit ng CICC na nananatiling hindi epektibo at may butas ang age verification system ng Roblox. Ayon kay Paraiso, may mga loophole ang facial recognition at may mga pagkakataong nakakapagparehistro ang mga adulto bilang bata.
Sa kabila ng 24-hour communication ng Roblox sa mga awtoridad, sinabi ng mga senador na nananatiling may kondisyon ang hindi pagpapatupad ng ban at maaari pa rin itong ituloy. Sinabi rin ni Senator Risa Hontiveros na maaaring padalhan ng subpoena ang Facebook kapag nabigong magpadala ng kinatawan sa susunod na hearing, dahil sa Messenger umano inililipat ang usapan ng mga Roblox users at alleged groomers. RNT