MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules ang alegasyong inilabas ang P125 milyon na confidential funds sa loob lamang ng 24 oras sa utos umano ng Bise Presidente, at iginiit na walang basehan ang paratang habang kinukuwestiyon ang kredibilidad ni witness Ramil Madriaga.
Sa isang panayam, sinabi ni legal counsel Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na si Madriaga, na nagpakilalang dating aide at bagman umano ni Duterte, ay walang tunay na kaugnayan sa confidential funds ng OVP.
“Considering the source, which is Ramil Madriaga, tingin po natin kasinungalingan lahat ‘yan,” ani Panelo. “Kasi wala naman po talaga siyang involvement at all doon sa confidential funds or kahit anuman in any capacity. Hindi naman siya nagsilbi bilang trabahante ni VP Sara,” dagdag niya.
Ayon kay Panelo, nabigo si Madriaga na magharap ng documentary proof para suportahan ang kanyang mga alegasyon, lalo’t cash-based umano ang mga sinasabing transaksyon. Iginiit din niya na ang mga ebidensiyang inilahad ni Madriaga upang ipakitang may ugnayan siya kay Duterte—mga campaign photo, group Zoom meetings, at birthday greeting video—ay hindi sapat upang patunayang may relasyon silang pangtrabaho.
Aniya, kuha lamang sa campaign events ang mga larawan, ang mga virtual meeting ay para sa mga election volunteer noong pandemya, at hindi rin patunay ng personal na pagkakakilala ang greeting video.
Tungkol naman sa paglagda ni Madriaga sa bank secrecy waiver, sinabi ni Panelo na tanging mga account lamang umano sa pangalan ni Madriaga ang maaaring lumitaw rito at hindi nito mapatutunayan ang anumang ugnayan kay Duterte. Inilahad din niya na posibleng may ibang motibo si Madriaga, at tinukoy ang isang Facebook Messenger message na binanggit sa perjury complaint ng Bise Presidente.
Sa naturang mensahe, ayon kay Panelo, sinabi umano ni Madriaga kay Lieutenant Colonel Dennis Nolasco na handa siyang maging state witness upang maiwasan ang pagkakakulong.
Ipinagtanggol din ni Panelo ang hindi pagdalo ni Duterte sa impeachment proceedings, at sinabing wala umano itong saysay dahil sa mga limitasyon sa pagtatanong upang direktang harapin si Madriaga. Ang pahayag ay pinakahuling tugon ng kampo ng Bise Presidente sa mga isyung inilabas sa pagdinig ng House impeachment panel. RNT