MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes na medical evacuation lamang ang layunin ng kanilang pinakahuling misyon sa Ayungin Shoal at hindi lihim na pagtatangkang maghatid ng suplay sa BRP Sierra Madre.
Tinawag ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na barbaric ang pagharang ng China sa humanitarian mission dahil naantala nang 10 oras ang paglikas sa isang maysakit na sundalo mula sa nakasadsad na barkong pandigma.
Ayon sa PCG, sinundan ng isang barko ng China Coast Guard (CCG) ang BRP Cabra at hinarang itong makalapit sa shoal. In-activate din umano ng barko ng China ang water cannon nito at lumapit hanggang 400 yarda sa barko ng Pilipinas.
Sinundan din umano ng mga Tsino ang rigid-hull inflatable boat (RHIB) na ipinadala ng PCG upang sunduin ang sundalo mula sa BRP Sierra Madre.
Walang isinagawang troop rotation o paghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre, ang nakasadsad na barkong nagsisilbing outpost militar ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Naganap ang insidente kasunod ng pagharang sa misyon ng Pilipinas noong Setyembre 24 ng tatlong barko ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N), kabilang ang dalawang Houbei-class missile boat, at limang CCG vessel.
Nauna nang sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa kanyang pagbisita sa Western Command na magpapatuloy ang Pilipinas sa mga resupply mission para sa BRP Sierra Madre. Jocelyn Tabangcura-Domenden