CEBU, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang 18-anyos na babaeng college student matapos mabangga ang sinasakyan niyang motorsiklo ng isang ambulansyang umano’y nag-counterflow sa Cebu City nitong Martes ng hapon.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naka-angkas ang biktima sa kanyang 19-anyos na lalaking kaklase habang binabagtas nila ang Archbishop Reyes Avenue Flyover sa Barangay Luz. Kapwa mechanical engineering students ang dalawa.
Ayon sa mga imbestigador, biglang pumasok sa kabilang lane at nag-counterflow ang minamadaling ambulansya bago bumangga sa motorsiklo. Tumilapon ang babaeng angkas at nasawi dahil sa lakas ng impact.
Napag-alaman ng mga awtoridad na ang ambulansya ay pag-aari ng Barangay Apas Emergency Response Team. Sugatan naman ang drayber ng motorsiklo at nananatiling nasa kritikal na kondisyon.
“In this time of immense sorrow, we ask for your collective prayers for the victim, for her Family and for the survivor who remains seriously injured,” pahayag ng University of San Carlos.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang drayber ng ambulansya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. Mahaharap siya sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, and damage to property. Mary Anne Sapico