MANILA, Philippines – Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration na walang parusa o negatibong implikasyon para sa mga undocumented overseas Filipino workers na uuwi mula sa Middle East, habang nagpapatuloy ang repatriation efforts ng pamahalaan sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni OWWA Deputy Administrator Jasmine Ann Gapatan na mandato ng Department of Migrant Workers na protektahan ang lahat ng OFWs, documented man o undocumented.
“Gusto ko lang pong ipaalala sa lahat na ang mandato po ng Department of Migrant Workers ay protektahan po ang lahat ng OFWs documented or undocumented… So, wala pong consequences po or negative implications po sa inyo,” aniya.
Ayon kay Gapatan, patuloy na hinihikayat ng ahensya ang mga undocumented worker na gawing pormal ang kanilang employment status upang lubos nilang mapakinabangan ang mga government assistance program.
Sinabi rin niya na nagpapatuloy ang repatriation operations habang nagpapatuloy ang sigalot sa Middle East. Ayon kay Gapatan, dumating na ang 153 OFWs mula Bahrain sakay ng commercial flight na binayaran ng OWWA, habang nakatakda namang pauwiin ang 344 katao mula Dubai at 321 pa mula Kuwait sa Abril 15.
Aniya, may sapat na pondo at programa ang ahensya upang suportahan ang mga nagbabalik na manggagawa, kabilang ang food assistance, hygiene support, at transportasyon pabalik sa kanilang mga lalawigan.
Idinagdag ni Gapatan na bumubuo rin ang OWWA ng isang “step-up program” upang matulungan ang mga repatriated OFWs sa pamamagitan ng upskilling at reskilling.
“Para meron po silang peace of mind na mariri-integrate po sila… at magkakaroon sila ng mabuting buhay when they go… we are looking at a step-up program wherein we are going to upskill and reskill our OFWs when they go back here,” aniya.
Iniulat din niya na wala pang Pilipinong nasasawi sa Beirut, Lebanon, bagamat nagpapatuloy ang evacuation at voluntary repatriation efforts doon. Sinabi ni Gapatan na pinapadali ng Philippine Embassy ang repatriation at patuloy na nagbababala laban sa pagbiyahe sa Lebanon dahil sa mataas na panganib.
Hinimok niya ang mga Pilipinong apektado ng sigalot na agad humingi ng tulong sa OWWA para sa agarang evacuation. Dave Baluyot