MANILA, Philippines — Maaaring makasakay nang libre sa MRT-3 ang mga rehistradong solo parent mula Abril 15 hanggang 18, 2026, bilang bahagi ng paggunita sa Solo Parents Week, ayon sa advisory na inilabas ng rail line noong Miyerkules.
Maaaring i-avail ang libreng sakay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi sa lahat ng 13 estasyon ng MRT-3.
Ayon sa MRT-3, ipinatutupad din ang inisyatiba alinsunod sa Expanded Solo Parents Welfare Act. Kailangan lamang magpakita ng valid Solo Parent ID ang mga kuwalipikadong pasahero sa alinmang estasyon upang makakuha ng ticket. “Isang maliit na hakbang ng pasasalamat para sa inyong walang kapantay na sakripisyo at pagmamahal,” saad sa advisory.
Saklaw ng libreng sakay ang buong linya ng MRT-3, kaya maaaring sumakay at bumaba ang mga kuwalipikadong pasahero sa alinmang estasyon mula Taft Avenue station sa Pasay City hanggang North Avenue Station sa Quezon City. RNT