Home NATIONWIDE ‘Zero accomplishment’: P92.8M Bulacan flood project ni Revilla, ininspeksyon

‘Zero accomplishment’: P92.8M Bulacan flood project ni Revilla, ininspeksyon

93
0

MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagsabi sa Sandiganbayan na walang nakikitang estruktura sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na bahagi ng kasong malversation laban kay dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at iba pa, sa isinagawang inspeksyon ng korte noong Miyerkules.

Ayon kay Kenneth Fernando, officer-in-charge ng DPWH Bulacan First District Engineering Office, wala umanong makikitang accomplishment sa lugar kahit ang proyekto ay dapat sumasaklaw sa 128 metro.

“Based on visual inspection, there is no accomplishment, your honor,” sabi ni Fernando. Inilarawan naman ng prosekusyon ang proyekto bilang isang ghost project.

Kinontra ito ng mga abogado ng depensa at sinabing posibleng nakabaon sa ilalim ng lupa ang mga sheet pile at kulang sa teknikal na batayan ang naturang pagtaya. Dahil dito, iniutos ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Karl Miranda sa maintenance crew ng DPWH na tiyakin kung may nakabaong sheet piles sa lugar. “The court should be able to satisfy itself,” ani Miranda.

Matapos putulin ang matataas na damo sa lugar, nakakita ang maintenance crew ng hindi bababa sa tatlong hanay ng bahagyang nakalitaw at kalawanging sheet piles.

Isinagawa ang inspeksyon matapos magbigay ng magkasalungat na pahayag ang dalawang testigo ng prosekusyon ukol sa lokasyon ng proyekto, kabilang ang isang testigo mula sa National Bureau of Investigation na nagturo sa katabing lugar bilang project site.

Kalaunan, dinala ng mga opisyal ng DPWH Bulacan ang testigo sa katabing lugar, kung saan may mga nakatayong ngunit hindi pa tapos na estruktura. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here