MANILA, Philippines — Apat na hinihinalang kidnapper at isang pulis ang nasugatan matapos sumiklab ang barilan habang isinasagawa ang pagsagip sa isang kidnapping victim sa Parañaque City noong Miyerkules ng gabi, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Nasagip ang biktima, na tanging inilarawang isang 78-anyos na indibidwal, matapos maghatid ng hindi tinukoy na halaga ng ransom money ang mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group (AKG), ayon sa pahayag ng PNP.
“During the rescue, the suspects engaged responding personnel, resulting in an armed encounter,” ayon sa pulisya.
Sinabi ng PNP na apat sa mga hinihinalang kidnapper ang nasugatan at agad na dinala sa pinakamalapit na ospital upang malapatan ng lunas. Sugatan din ang isang police operative ngunit nasa matatag na kondisyon na.
“Four of the suspected kidnappers sustained injuries and were immediately brought to the nearest hospital for proper medical attention. One police operative also sustained minor injuries and is now in stable condition,” dagdag pa sa pahayag.
Ayon pa sa pulisya, hindi pa matiyak ang bilang ng mga suspek na nakatakas at kasalukuyan pa silang tinutugis sa follow-up at hot pursuit operations.
Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang PNP hinggil sa naturang operasyon. Dave Baluyot