Pinakilos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng regional office nito sa bansa para makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor sa paghahanda para sa Undas 2026, mula Okt. 31-Nob. 2.
Ayon kay NTC Commissioner Atty. Ella Blanca B. Lopez, napakaimportante ng maayos na koordinasyon at komunikasyon para matiyak ang kaligtasan ng publiko at agarang pagtulong sa mga dadalaw sa mga sementeryo at memorial park.
Sa ilalim ng inilabas na memorandum, kailangang makipag-ugnayan ang mga NTC regional director sa mga lokal na pamahalaan, pulisya, disaster response teams, at iba pang kinauukulang ahensya sa kanilang mga lugar.
Kailangan din nilang subaybayan ang mga Civic Action Group at Amateur Radio Group na magbibigay ng tulong ngayong Undas. Kabilang dito ang pagtukoy sa kanilang mga ruta, kinaroroonan ng mga tauhan at assistance post, at pati na ang mga lokasyon ng kanilang radio base station.
Makikipag-ugnayan din ang NTC sa mga telecommunications company upang matugunan ang mga problema sa serbisyo at makatulong na mapanatiling maayos ang signal, lalo na sa mga lugar na inaasahang dadagsa ang mga tao.
Pinayuhan naman ng NTC ang publiko na sundin ang mga paalala sa kaligtasan, alamin ang mga emergency hotline sa kanilang lugar, siguruhing may sapat na charge ang cellphone at manatiling nakikipag-ugnayan sa pamilya.
Hinimok din ang lahat na gamitin nang maayos ang mga paraan ng komunikasyon, lalo na sa oras ng emergency.