MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes, Nobyembre 24, na naglabas na ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court (RTC) laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at Police Lt. Col. Ryan Jay Orapa kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, Oktubre 30 pa inilabas ng Manila RTC Branch 175 ang kautusan matapos makakita ang korte ng sapat na probable cause upang isailalim sa paglilitis ang dalawang akusado.
Hindi rin pinayagan ng korte ang piyansa nina Ang at Orapa sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention na may kaugnayan sa pagkawala ng anim na sabungero sa Manila Arena noong Enero 2022.
Nauna nang pinagbigyan ng Manila RTC Branch 185 ang mosyon ng prosekusyon na amyendahan ang criminal information upang maisama ang dalawa bilang mga akusado.
Kalaunan, inilipat ang paghawak sa kaso sa Branch 175 matapos pagbigyan ang motion for inhibition ng depensa.
Hindi ito ang unang arrest warrant laban kay Ang.
Noong Enero 2026, naglabas na rin ng mga kautusan ang mga korte sa Laguna at Batangas kaugnay ng magkakahiwalay na kaso ng kidnapping at serious illegal detention at kidnapping with homicide na nag-ugat sa pagkawala ng mga sabungero noong 2021 hanggang 2022.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad si Ang, na naunang itinanggi ang mga paratang laban sa kanya.
Nagkaroon din ng magkakaibang pahayag ang mga opisyal ng pamahalaan tungkol sa kanyang kinaroroonan.
Naunang sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng nakalabas na ng Pilipinas si Ang sa pamamagitan ng hindi opisyal na ruta.
Gayunman, iginiit ni Justice Secretary Fredderick Vida na batay sa mga rekord ng Bureau of Immigration, wala pang kumpirmasyon na nakalabas ng bansa ang negosyante.
Samantala, naghain ang kampo nina Ang at Orapa ng mosyon upang ipagpaliban ang arraignment at suspendihin ang proceedings habang nakabinbin ang kanilang petition for review sa DOJ.
Wala pang pinal na desisyon ang korte sa naturang mosyon. Santi Celario