Home NATIONWIDE DA chief sa 100% US agri imports: Kung mas mura, why not?

DA chief sa 100% US agri imports: Kung mas mura, why not?

2
0

MANILA, Philippines – Bukas ang Department of Agriculture (DA) sa pagbili ng mas murang produktong agrikultural mula sa United States (US), ngunit iginiit na mahalagang magkaroon ang Pilipinas ng iba’t ibang pinagkukunan ng pagkain upang matiyak ang seguridad sa suplay.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na makikinabang ang mga Pilipino kung makakakuha ang bansa ng mas murang produkto mula sa US, partikular ang soybeans at wheat na hindi pangunahing itinatanim sa Pilipinas.

“If somebody gives me a low price, I will buy everything from that person,” pahayag ni Tiu Laurel sa panayam sa gilid ng Asia-Pacific Conference on Sustainable Agricultural Mechanization nitong Lunes.

Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na mahalagang magkaroon ng maraming supplier upang hindi umasa ang bansa sa iisang pinagkukunan ng pagkain.

Ang pahayag ni Tiu Laurel ay kasunod ng pag-angkin ni US President Donald Trump na pumayag umano ang Pilipinas na kunin ang 100% ng pangangailangan nito sa produktong agrikultural at enerhiya mula sa US simula Enero 1, 2027.

Nilinaw naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layunin ng pakikipag-usap sa US na magkaroon ng mas maraming pagpipilian sa pag-aangkat ng pagkain at enerhiya, hindi ang umasa lamang sa iisang bansa.

Ayon sa Pangulo, kabilang sa mga pinag-uusapang produkto ang soybeans, wheat at rice, habang naghahanap ang pamahalaan ng mas murang mapagkukunan upang mapababa ang gastos sa pagkain at enerhiya.

Inamin ni Tiu Laurel na hindi siya kasama sa pulong nina Marcos at Trump kaya wala siyang personal na kaalaman sa mga napag-usapan ng dalawang lider.

Samantala, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na wala pang pinal na kasunduan tungkol sa planong pagkuha ng lahat ng pangangailangan sa langis at gas mula sa US dahil nagpapatuloy pa ang negosasyon.

Binigyang-diin ng mga opisyal na kailangang isaalang-alang ang presyo at kapakinabangan nito sa mga Pilipino bago pumasok sa anumang kasunduan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here