Home NATIONWIDE Pinsala sa agrikultura ng Isabela, umabot na sa P2.88-B; 125,000 ektarya sapu

Pinsala sa agrikultura ng Isabela, umabot na sa P2.88-B; 125,000 ektarya sapu

1
0

MANILA, Philippines – Umabot sa tinatayang ₱2.88 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Isabela dahil sa tagtuyot na kaugnay ng El Niño, na nakaapekto sa humigit-kumulang 125,000 ektarya ng lupang sakahan.

Pinakamalaki ang pinsala sa produksyon ng mais na tinatayang ₱2.339 bilyon, habang ₱506.2 milyon naman ang naitalang pagkalugi sa palay. Umabot din sa ₱35.7 milyon ang pinsala sa iba pang high-value crops.

Bukod sa mga magsasaka, posibleng maapektuhan din ng kakulangan sa suplay ng tubig ang 2,511 mangingisda sa mga lugar na bulnerable sa matinding tagtuyot.

Dahil dito, inirekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang isang taong deklarasyon ng state of calamity upang mapalakas ang paghahanda, pagtugon at rehabilitasyon, gayundin ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Inaprubahan ng konseho ang rekomendasyon sa emergency meeting noong Nobyembre 10 at ipinasa ito sa Sangguniang Panlalawigan para sa kaukulang aksiyon, ayon sa Philippine Information Agency (PIA).

Ayon kay PDRRMC Officer Atty. Constante Foronda Jr., inilaan ang isang taong panahon upang masaklaw hindi lamang ang agarang pagtugon kundi pati ang pagbangon ng mga magsasakang nawalan ng kabuhayan. Maaari rin aniyang paikliin ang deklarasyon kung hindi magtatagal ang epekto ng El Niño.

Samantala, kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umiiral na ang very strong El Niño sa Tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang unang hati ng 2027, na posibleng umabot sa pinakamalakas na antas bago matapos ang 2026.

Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng mas mababang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa, na maaaring magdulot ng mas matinding tagtuyot at kakulangan sa tubig. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here