MANILA, Philippines – Ibinalik ni Samchan Foreign Exchange Corp. President Felicito Guevarra sa pamahalaan ang P343 milyon na kinita umano sa mga kuwestiyonableng transaksiyong iniuugnay sa dating House Speaker Martin Romualdez, habang hinihiling ng prosekusyon na gawing testigo ang pangulo ng kumpanya sa kasong plunder laban sa dating kongresista.
Ayon sa Office of the Ombudsman, ang naturang halaga ay ibinalik sa Bureau of the Treasury matapos makipagtulungan sa mga imbestigador ang Samchan president na si Felicito Guevarra.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan Third Division nitong Lunes, Nobyembre 23, sinabi ni Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal na ang ₱343 milyon ay bahagi umano ng kinita ni Guevarra sa mga transaksiyong isinagawa sa pamamagitan ni Jocelyn Sereño, dating tauhan ni Romualdez na kapwa akusado rin sa kaso.
Ayon sa salaysay ni Guevarra, si Sereño umano ang naghatid ng mga maleta ng pera at nagpakilalang kawani ni Romualdez. Sinabi rin ng prosekusyon na naitala ni Guevarra ang mga naturang transaksiyon.
Dahil sa impormasyong ibinigay ni Guevarra, naghain ang prosekusyon ng mosyon upang alisin siya bilang kapwa akusado at iharap bilang testigo sa bail hearing ni Romualdez, kapalit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Nauna nang sumuko si Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Nobyembre 19 at pinagkalooban ng Ombudsman ng conditional immunity kapalit ng kanyang buong pakikipagtulungan, pagsasailalim sa proteksiyon ng Department of Justice at pagsuko ng mga rekord at kagamitan ng kumpanya.
Gayunman, nilinaw ng Ombudsman na hindi awtomatikong nabubura ng pagsasauli ng pera ang posibleng pananagutang kriminal at hindi rin ito ang batayan ng ipinagkaloob na immunity.
Tinutulan naman ng kampo ni Romualdez ang mosyon ng prosekusyon. Ayon sa kanyang mga abogado, maaaring maapektuhan ang karapatan ng kanilang kliyente dahil nakapaghain na ito ng plea of not guilty at nakapaghanda na ang depensa batay sa orihinal na mga testigo ng prosekusyon.
Kinuwestiyon din nila ang pagpapalit kay Bonoan, na anila’y mas may direktang kaalaman sa mga proyekto sa flood control.
Samantala, humiling ang prosekusyon na manatili si Guevarra sa kustodiya ng NBI dahil sa umano’y banta sa kanyang seguridad. Itinanggi ng abogado ni Romualdez ang pahiwatig na may banta mula sa kampo ng kanyang kliyente.
Hindi pa nagpapasya ang Sandiganbayan kung pagbibigyan ang mosyon na alisin si Guevarra bilang akusado at iharap bilang testigo.
Dahil dito, inilipat ng korte sa Disyembre 4 ang huling araw ng presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon sa bail hearing upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga mahistrado na pag-aralan ang mga mosyon. Santi Celario