Home NATIONWIDE 5-8 testigo pa, impeachment trial ni VP Sara posibleng tumawid sa Pasko

5-8 testigo pa, impeachment trial ni VP Sara posibleng tumawid sa Pasko

3
0

MANILA, Philippines – Posibleng tumawid sa Christmas break ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil lima hanggang walong testigo pa ang inaasahang ihaharap ng kanyang defense team sa Senate impeachment court.

Sa isang panayam, sinabi ni defense lawyer Justin Gular na nagbago ang bilang ng kanilang natitirang testigo matapos maiharap ang dalawa at bawiin ang isa pang testimonya sa mga nakaraang pagdinig.

Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Disyembre 1 hanggang 4 matapos kanselahin ang mga pagdinig noong Nobyembre 26 at 27 dahil hindi available ang mga susunod na testigo ng depensa.

Ayon naman kay Senate impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, maaaring magdagdag ng mga pagdinig sa Disyembre 7 at sa mga susunod na araw depende sa haba ng testimonya ng mga testigo.

Kailangan ding bigyan ng panahon ang magkabilang panig upang isumite at sagutin ang kani-kanilang formal offers of evidence bago umusad sa deliberasyon at botohan.

Target ng korte na isagawa ang oral arguments sa Disyembre 14 at ang final roll-call vote sa Disyembre 16 hanggang 18, kung walang karagdagang extension sa rebuttal at sur-rebuttal.

Isa sa mga pangunahing usaping inaasahang tatalakayin sa mga susunod na pagdinig ang financial transactions ng Cale88 Foods Corp., kumpanyang iniugnay sa asawa ng Bise Presidente na si Manases Carpio.

Sa nakaraang pagdinig, iniharap ng depensa ang mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) at Food and Drug Administration (FDA) upang patunayan ang rehistrasyon at mga permit ng kumpanya.

Gayunman, kinuwestiyon ng mga senator-judge ang pagkakaiba ng ₱208 milyon na audited sales ng Cale88 mula 2022 hanggang 2025 at ang tinatayang ₱776 milyon na inward remittances na nakasaad sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) report.

Sa pagdinig, sinabi ni DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo na hindi niya alam ang AMLC findings at hindi niya maipaliwanag kung bakit mas mataas ang naitalang inflows kaysa sa declared sales ng kumpanya.

Ayon kay House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno, hindi nasagot ng testimonya ng mga opisyal ang mga tanong tungkol sa pinagmulan at wastong deklarasyon ng naturang mga transaksiyon.

Iginiit naman ni Gular na may iba pa silang ihaharap na ebidensiya at mga testigo upang kontrahin ang financial forensic analysis ng prosekusyon.

Matatandaang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Duterte ang iniurong ng prosekusyon, kaya Article II o ang alegasyon ng unexplained wealth na lamang ang natitira sa paglilitis.

Bagama’t target ng impeachment court na matapos ang paglilitis bago ang Christmas break, nakasalalay pa rin ang iskedyul sa haba ng testimonya, pagsusumite ng ebidensiya at mga susunod na hakbang ng magkabilang panig. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here