Home NATIONWIDE Solon kay Remulla: PNP dapat magbigay-seguridad, ‘di maghasik ng takot sa VP...

Solon kay Remulla: PNP dapat magbigay-seguridad, ‘di maghasik ng takot sa VP Sara impeachment

2
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Interior Secretary Jonvic Remulla na tiyaking nakatuon ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa halip na magdulot ng hindi kinakailangang pangamba sa publiko kaugnay ng nalalapit na hatol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa press briefing nitong Lunes, Nobyembre 23, sinabi ni Adiong na dapat palaging handa ang pulisya anuman ang mga nagaganap sa politika, at hindi lamang kapag may sensitibong usaping tulad ng impeachment proceedings.

Binigyang-diin ng tagapagsalita ng House prosecution panel na tungkulin ng PNP na panatilihin ang kapayapaan at maging neutral sa posibleng reaksiyon ng magkabilang panig.

Aniya, ang pagpapakita ng paghahandang tila hindi kayang kontrolin ng pulisya ang posibleng sitwasyon ay maaaring magdulot ng hindi kinakailangang takot sa publiko.

Nagpahayag din si Adiong ng tiwala sa kakayahan ng PNP na mapanatili ang peace and order anuman ang maging desisyon ng impeachment court.

Ang pahayag ni Adiong ay tugon sa naunang pahayag ni Remulla na naghahanda ang PNP sa lahat ng posibleng senaryo kaugnay ng magiging hatol sa impeachment case.

Sinabi ni Remulla na inaasahang magiging mataas ang emosyon ng mga tagasuporta at kritiko ng Bise Presidente, kaya kailangang maging handa ang mga pulis na mamagitan upang maiwasan ang posibleng kaguluhan.

“We always expect the worst. We always anticipate, we always prepare,” ani Remulla sa panayam sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Samantala, tiniyak ni PNP spokesperson Police Brig. Gen. Allen Rae Co na may nakahanda silang contingency plans para sa anumang posibleng sitwasyon at mananatiling tapat ang kanilang hanay sa Konstitusyon, rule of law at paglilingkod sa publiko.

Patuloy pa ang impeachment trial ni Duterte sa Senado, kung saan inaasahang matatapos ang presentasyon ng mga testigo at ebidensiya ng depensa bago umusad sa mga susunod na yugto ng paglilitis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here