MANILA, Philippines — Inalis sa puwesto si Philippine National Police Academy (PNPA) Director Maj. Gen. Andre Dizon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y lapses sa paghawak ng iniulat na hazing sa hindi bababa sa 22 cadets.
Pinalitan si Dizon ni Brig. Gen. Redrico Maranan, na dating director ng Police Regional Office Central Visayas (PRO 7), ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño,ayon sa isang ulat.
Wala pang inilalabas na detalye ang Philippine National Police kung saan muling itatalaga si Dizon at kung sino ang papalit kay Maranan bilang hepe ng PRO 7.
Si Dizon, PNPA Commandant of Cadets Brig. Gen. Gonzalo Villamor, at hindi bababa sa pito pang opisyal ng PNPA ay nasa ilalim ng administrative investigation dahil umano sa kabiguang agad iulat ang sinasabing hazing sa 22 freshmen cadets ng kanilang mga upperclassmen noong Abril 3.
Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na siyam na opisyal ng PNPA ang inirekomendang imbestigahan kaugnay ng umano’y hazing incident. Santi Celario