Ito ang tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng reaksyon kaugnay sa posibilidad na italaga siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang associate justice ng Korte Suprema.
“Si ante kleyr bilang associate justice ng Supreme Court… hindi po tayo nag-apply at wala pong katotohanan yan,” ang nangingiting pahayag ni Castro.
Sa kabilang dako, ayaw namang pangunahan ni Castro si Pangulong Marcos sa pag-anunsyo sa kung sino ang napipisil nito bilang Chief Justice ng Korte Suprema.
Ang asahan na lamang aniya ng taumabyan ay ang mapipili ng Chief Executice ay namumukod-tangi sa lahat ng mga magagaling.
“At kung sino man ang mapipili ng Pangulo bilang susunod na Chief Justice ng Supreme Court, ayaw po nating pangunahan kung sino man ang mapipili ng Pangulo at asahan natin na ang pipiliin ng Pangulo ay .. lahat naman sila ay magaling pero siyempre mayroong namumukod-tangi,” ang winika ni Castro bilang tugon sa ulat na si Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda ang napipisil di umano ng Pangulo na magiging susunod na Chief Justice ng Korte Suprema.
Sa ulat, nangunguna umano si Zalameda sa mga kandidato para maging susunod na Chief Justice ng bansa, ayon sa impormasyong eksklusibong nakalap ng Politiko.
Sa ulat, Zalameda ang frontrunner upang humalili kay Chief Justice Alexander Gesmundo, na magreretiro sa Nobyembre 6 sa edad na 70.
Nagtapos na noong Oktubre 26 ang mga public interview ng Judicial and Bar Council (JBC) sa limang kandidato, kasunod ng paghahanda para sa unang appointment ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posisyon ng Chief Justice.
Kabilang sa mga katunggali ni Zalameda, 63, sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justices Alfredo Benjamin Caguioa, Japar Dimaampao at Jose Midas Marquez.
Kung mapipili, maaari siyang magsilbi bilang Chief Justice sa loob ng halos pitong taon, o hanggang sa maabot niya ang mandatory retirement age sa Agosto 2033.
Magbibigay ito sa kaniya ng mas mahabang panahon upang maisulong ang mga reporma sa hudikatura kumpara sa mga kandidatong mas malapit na sa edad ng pagreretiro.
Itinalaga si Zalameda sa Korte Suprema ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2019. Bago ito, nagkaroon siya ng karanasan sa prosecution, appellate adjudication at sa pinakamataas na hukuman ng bansa.
Nagtapos siya ng abogasya sa Ateneo de Manila University. Sinimulan niya ang kaniyang karera sa hudikatura bilang branch clerk of court sa Makati Regional Trial Court bago pumasok sa pribadong praktis.
Nagsilbi rin siyang public prosecutor at kalauna’y naging city prosecutor ng Mandaluyong. Noong 2008, itinalaga siya sa Court of Appeals, kung saan siya naglingkod sa loob ng 11 taon bago mapabilang sa Korte Suprema. (KRIS JOSE)