MANILA, Philippines – Itinalaga ng Korte Suprema ang New Era University (NEU) bilang National Headquarters para sa 2026 Shari’ah Special Bar Examinations (SSBE), na pormal na isinapinal sa pamamagitan ng kontratang nilagdaan noong Abril 13, 2026 sa SC En Banc Session Hall sa Maynila.
Magsisilbi ang NEU bilang command center ng SC para sa nationwide SSBE na isasagawa sa Mayo 24 at Mayo 27, 2026.
Pinangunahan nina Chief Justice Alexander Gesmundo at SC Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, chairperson ng 2026 SSBE, ang seremonya ng paglagda sa kontrata.
Pinuri ni Justice Inting ang pagtutulungan ng SC at NEU na nagpapakita ng dedikasyon sa pagpapalawak ng access sa hustisya, lalo na sa Shari’ah system.
Bukod sa pagiging NHQ, magsisilbi rin ang NEU bilang isa sa apat na testing center, kasama ang Mindanao State University-Iligan Institute of Technology sa Iligan City, Ateneo de Davao University sa Davao City, at Ateneo de Zamboanga University sa Zamboanga City.
Saklaw ng SSBE ang apat na paksa, kabilang ang Jurisprudence (Fiqh) at Customary Laws (Adat) [15%]; Persons, Family Relations and Property [35%]; Succession, Wills/Adjudication and Settlement of Estates [35%]; at Procedure in the Shari’ah Courts [15%]. Jocelyn Tabangcura-Domenden