Home NATIONWIDE Bagong human trafficking scheme, ibinabala sa Pinoys

Bagong human trafficking scheme, ibinabala sa Pinoys

109
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Commission on Filipinos Overseas (CFO) sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa laban sa panibagong uri ng human trafficking scheme kung saan pinapangakuan umano ng trabaho ang mga nire-recruit ngunit nauuwi sa sapilitang pagseserbisyo sa militar ng ibang bansa.

Sinabi ng CFO na inilabas nila ang babala kasama ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) matapos ang isang verified case na kinasasangkutan ng mga biktimang inialok umano ng trabaho ngunit pinalitan ang kanilang kontrata pagdating sa hindi isiniwalat na destinasyon sa abroad.

“According to reports from the 1343 Actionline, the IACAT’s primary human trafficking hotline, victims were originally recruited for work, and upon arrival at their undisclosed foreign destinations, their employment contracts were substituted, and they were compelled to serve in foreign militaries,” anang CFO.

Ayon sa ahensya, nagsasagawa na ngayon ang IACAT ng pormal na imbestigasyon kaugnay ng naturang verified recruitment scheme.

Sinabi rin ng CFO na pinalalakas nito ang information campaign upang bigyang-babala ang mga prospective migrant hinggil sa panganib ng illegal recruitment at undocumented status, lalo na sa mga rehiyong apektado ng geopolitical instability.

Ipinaalala rin ng ahensya na sa ilalim ng Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, at mga susog nito sa ilalim ng Republic Act 10364 at Republic Act 11862, mandato ng IACAT na pangalagaan ang mga Pilipino laban sa anumang uri ng exploitation.

Binigyang-diin din ng CFO na ang mga overseas job offer na walang verified contract mula sa Department of Migrant Workers ay dapat ituring na high-risk, kasabay ng panawagan sa publiko na maging labis na maingat sa pakikitungo sa mga recruiter.

Sa kabila ng patuloy na Tier 1 ranking ng Pilipinas sa Trafficking in Persons Report ng US State Department, sinabi ng CFO na ang paglitaw ng ganitong mga scheme ay nagpapakita ng nakaaalarmang pagbabago sa mga taktika ng human trafficking na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay at mas matibay na inter-agency response.

Ipinaalala rin ng CFO sa publiko ang nauna nitong advisory noong Pebrero tungkol sa dumaraming recruitment ng mga Pilipino para sa deployment sa mga foreign conflict zone, at hinikayat ang agarang pagrereport ng hinihinalang trafficking cases sa pamamagitan ng IACAT 1343 hotline. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here