Home NATIONWIDE VAT babawasan ni Bam bilang proteksiyon sa middle class vs global oil...

VAT babawasan ni Bam bilang proteksiyon sa middle class vs global oil crisis

130
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang pagbawas sa value-added tax (VAT) mula 12 porsiyento tungo sa 10 porsiyento, na maaaring magbigay ng medium- at long-term solutions upang maprotektahan ang middle class laban sa epekto ng krisis sa Middle East at iba pang posibleng krisis sa hinaharap.

Layunin ng Senate Bill No. 2047 ni Aquino na pababain ang VAT sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo, sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Sections 106, 107, at 108 ng National Internal Revenue Code of 1997, as amended.

Sa pamamagitan ng pagpapababa ng VAT, sinabi ni Aquino na makatutulong ang panukala upang maibsan ang pasanin ng mga consumer —lalo na ang middle class na hindi nakakakuha ng tulong mula sa pamahalaan—sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang bilihin dulot ng nagpapatuloy na oil crisis.

“Batay sa pahayag ng Department of Energy, posibleng umabot ng anim na buwan hanggang isang taon ang epekto ng krisis sa Middle East sa presyo ng ating produktong petrolyo at mga bilihin,” wika ni Aquino.

“Habang tumatagal ang krisis na ito, hindi lang mahirap ang tinatamaan kundi ang ating middle class, kung saan kabilang ang ating mga kababayang naghahanapbuhay ngunit hindi nakakakuha ng direktang tulong mula sa ating pamahalaan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Aquino, ang pagbawas sa VAT ay direktang magpapababa sa presyo ng mga produkto at serbisyo sa buong ekonomiya—mula sa mga pangunahing bilihin at transportasyon hanggang sa utilities at iba pang mahahalagang gastusin—na magbibigay ginhawa sa middle class.

Bukod sa pagpapababa ng presyo, binigyang-diin ni Aquino na makatutulong ang panukalang pagbawas sa VAT upang mapatatag ang paggasta ng mga konsyumer sa medium term, na magbibigay sa mga sambahayan ng mas malaking disposable income upang masuportahan ang mga negosyo, maprotektahan ang mga trabaho, at mapasigla ang aktibidad ng ekonomiya.

“By reducing VAT, we take a concrete step toward making the cost of living more manageable and supporting a more inclusive and resilient economy,” paliwanag niya.

Sa pangmatagalan, sinabi ni Aquino na bagama’t makapagbibigay ng agarang ginhawa ang pagbawas sa VAT sa mga pamilyang Pilipino, kinakailangan itong samahan ng mas matibay na tax administration na magbabawas ng leakages, magpapahusay sa compliance, at titiyak ng patas na kontribusyon, upang mabalanse ng pamahalaan ang pangongolekta ng kita at kapakanan ng publiko.

Tumayo si Aquino bilang co-author at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang suspindihin o bawasan ang excise taxes sa mga produktong petrolyo.

Noong Hulyo 8, 2025, ilang araw matapos manungkulan bilang mambabatas, naghain si Aquino ng Senate Bill No. 265 na naglalayong alisin ang excise taxes sa diesel, kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), fuel oil, at unleaded gasoline sa ilalim ng TRAIN Law.  Ernie Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here