Home METRO 4 suspek sa kidnapping sa P’que utas sa engkwentro sa pulis

4 suspek sa kidnapping sa P’que utas sa engkwentro sa pulis

90
0

MANILA, Philippines – Patay ang apat na suspek sa kidnapping matapos ang engkwentro sa mga awtoridad sa Parañaque, ayon sa Philippine National Police–Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong Huwebes.

“Opo, ang mga suspek po,” ani AKG chief Police Brigadier General Glicerio Cansilao nang tanungin kung napatay ang lahat ng suspek.

Ayon sa pulisya, dalawa sa mga suspek ay dating pulis na na-dismiss na sa serbisyo, habang ang isa ay may dalang National Bureau of Investigation (NBI) ID. Ang isa pa ay sibilyan.

Kinilala ang biktima bilang isang naturalized Filipino na may lahing Indian.

Batay sa imbestigasyon, umalis ang biktima sa opisina sa Parañaque bandang 5:30 p.m. noong Martes at papauwi na sana sa Makati nang dukutin siya.

Nagsimula ang pag-uulat ng insidente bandang 10 p.m. matapos makatanggap ng sunod-sunod na tawag ang pamilya ng biktima mula sa mga suspek.

Sa mga sumunod na oras, humingi ang mga suspek ng ransom na umabot sa ₱50 milyon, na kalauna’y ibinaba sa ₱10 milyon habang nagpapatuloy ang negosasyon.

Bandang 7:52 p.m. ng sumunod na gabi, isinagawa ng mga awtoridad ang rescue operation na nagresulta sa ligtas na pagkakaligtas sa biktima.

Ayon sa PNP, nagkaroon ng armed encounter kung saan nasugatan ang apat na suspek na sakay ng SUV at idineklarang dead on arrival sa ospital.

May isang pulis ding nagtamo ng minor injuries at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa isang abandonadong sasakyan na posibleng konektado sa insidente at maaaring ginamit sa pagdukot o operasyon ng mga suspek.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang grupo ay binubuo umano ng mga dating pulis at huling aktibong miyembro ng kidnapping-for-ransom group na target ang mga dayuhang Indian nationals. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here