WASHINGTON, USA – Sinabi ni Donald Trump na magpapadala siya ng delegasyon sa Pakistan para makipag-usap sa Iran, kasabay ng panibagong banta na sisirain ang mahahalagang imprastraktura nito kung walang kasunduang mararating.
Sa kanyang Truth Social post, sinabi ni Trump: “NO MORE MR. NICE GUY!” at nagbabala na “going to knock out every single Power Plant, and every single Bridge, in Iran” kung hindi tatanggapin ang alok na kasunduan.
Nalalapit na ang pagtatapos ng dalawang linggong ceasefire sa digmaan sa pagitan ng US, Israel, at Iran, na nagsimula noong Pebrero 28. Sa ngayon, isang 21-oras na negosasyon pa lamang ang naganap sa Islamabad noong Abril 11 at wala itong naging kasunduan.
Ayon kay Mohammad Bagher Ghalibaf, nananatiling malayo pa ang dalawang panig sa pinal na kasunduan.
Isa sa pangunahing isyu sa usapan ay ang nuclear program ng Iran, na sinasabing nais pigilan ng US, bagaman itinanggi ito ng Tehran. Isa pang isyu ang Strait of Hormuz, na muling isinara ng Iran bilang tugon sa US naval blockade sa kanilang mga daungan.
Nagpatupad ng mahigpit na seguridad sa Islamabad bago ang inaasahang pagdating ng US delegation.
Iginiit ng Iran na hindi nito isusuko ang stockpile ng enriched uranium, habang kinuwestiyon din ng kanilang pangulo ang pagbibigay nito bilang bahagi ng negosasyon.
Samantala, nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa Strait of Hormuz, kung saan may mga ulat ng pagpapaputok at pag-atake sa ilang sasakyang-dagat, at patuloy na naaapektuhan ang daloy ng langis at gas sa buong mundo. RNT/MND