NAGING mabilis at organisado ang pamamahagi ng 5,000 Cash Relief Assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahigit 700 na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association sa lungsod ng Malabon bilang tulong sa kabila ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo. JOJO RABULAN
MANILA, Philippines – Magdaragdag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng special payout schedule sa darating na linggo para sa MC taxi drivers, delivery riders.
Layon nito na tugunan ng departamento ang usapin na nakaaapekto sa distribusyon ng cash relief assistance (CRA) sa mga benepisaryong drivers sa Metro Manila na naglalayong matulungan ang mga ito sa gitna ng energy emergency.
“Dahil alam po namin na mayroon pang mga motorcycle (MC) taxi at delivery riders mula sa Metro Manila na hindi pa nakakakuha ng cash aid, minabuti po ng DSWD na magdagdag ng payout schedule sa darating na linggo. Tinitignan po natin na gawin ito within this week,” ayon kay DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao.
Sa kasalukuyan, ina-assess na ng departamento ang mga report mula sa special payouts na idinaos noong April 18-19 para sa MC taxi drivers at delivery riders, at batid na walang balakid na usapin na kailangang tugunan.
“Batid namin na may mga issues tayong naencounter sa pagsasagawa ng ating special payouts na hindi natin inaasahan sapagkat naging masusi naman ang ating coordination sa local government units (LGUs), Transport Network Vehicle Service (TNVS), Transport Network Companies(TNCs) at sa mga (Private Express and/or Messengerial Delivery Service (PEMEDES). Gayunpaman, lahat ng mga naging issues, maging sa proseso man o sa mga payout sites ay ating pinag-aaralan at inaassess upang maiwasan itong maulit sa pagsasagawa natin ng additional special payouts,” ayon kay Dumlao.
Aniya, nakatakdang ia- anunsyo ng departmaneto, sa oras na maisapinal na ang mga plano para sa impormasyon ng public utility vehicle (PUV) drivers sa Metro Manila.
“Para sa mga hindi po umabot sa cut-offs at hindi pa naka claim ng kanilang cash relief assistance, hindi po natin hahayaan na hindi nila makuha ang assistance. Atin lang pong pinag-aaralan ang pinakamabuting paraan kung paano ito gagawin para masagutan ang mga issues na ating kinaharap ngayong special payout,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, nagpaabot naman ng pakikiramay si DUmalo sa pamilya ng driver na nasawi habang nakapila sa isa sa payout centers, araw ng Sabado, Abril 18.
Masusi aniya nilang pinag-aaralan ang payout sites at ang kapasidad na mag-accommodate ng libo-libong drivers na magiging bahagi ng assessment sa pagsasagawa ng karagdagang special payouts.
Para sa updates ng karagdagang special payout schedules, ang mga drivers ay maaaring pumunta at sumilip sa opisyal na Facebook pages ng DSWD at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang CRA ay isa sa mga inisyatiba ng administrasyong Marcos na naglalayong pagaanin ang epekto ng energy emergency dala ng nagpapatuloy na krisis sa rehiyon ng Gitnang Silangan. (KRIS JOSE)