Home NATIONWIDE Higit 19,000 PUVs, sasali sa government service contracting program

Higit 19,000 PUVs, sasali sa government service contracting program

111
0

MANILA, Philippines – Mahigit 19,000 public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa ang inaasahang papasada sa ilalim ng service contracting program (SCP) ng gobyerno simula Lunes, bilang tugon sa patuloy na mataas na presyo ng krudo.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ilang driver sa Pasig City ang nagparehistro na, at may mga modern jeepneys sa Marcos Highway na naglagay ng tarpaulin na nagpapakita ng kanilang partisipasyon. Inaasahan pang dadami ang sasali sa mga susunod na araw matapos mababa ang initial turnout noong nakaraang linggo.

Kasama sa programa ang tradisyunal at modern jeepneys at UV Express units. Aabot sa mahigit 800 high-density routes ang sakop nito, kabilang ang 545 ruta sa Metro Manila at kalapit na lalawigan gaya ng Cavite, Laguna, at Rizal.

Sa ilalim ng SCP, babayaran ng gobyerno ang mga driver base sa layo ng biyahe: ₱30 kada kilometro para sa traditional jeepneys, ₱40 para sa modern jeepneys, at ₱100 para sa buses. Kailangan ding magbigay ng 20% discount sa pasahero at makabiyahe ng minimum na 100 kilometro kada araw.

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ipatutupad ang programa sa off-peak hours para masigurong may sapat na transportasyon kahit hindi rush hour.

Gayunman, ilang driver ang nagsabing hindi pa rin sapat ang kita dahil sa patuloy na taas-presyo ng diesel at mabagal na pagdating ng tulong ng gobyerno. May ilan ding nagsabing nababawasan pa ang kanilang kita dahil sa mandatory na discount.

Nanawagan naman si Marcos sa oil companies na ipatupad nang buo at agad ang inaasahang rollback sa fuel prices, kung saan tinatayang bababa ang diesel ng ₱24.94 kada litro, gasolina ng ₱3.41, at kerosene ng ₱2.00. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here