AMULUNG, Cagayan – Arestado ang isang barangay kapitan at pamangkin nito matapos pagtulungan na patayin ang kanilang isang ka-barangay na kainuman sa Baculud, Amulung, Cagayan.
Kinilala ang Barangay Kapitan na si alyas Pichoy ng Baculud at pamangkin nitong si Popoy.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente noong Abril 12, 2026 sa isang kasalan sa naturang barangay na nauwi sa mainitang pagtatalo ang inuman ng biktima at ng mga suspek, na umano’y may kinalaman sa usapin ng mga proyekto sa barangay.
Ayon sa mga saksi, unang dinibdiban ng kapitan ang biktima at pinalo ng bote ng alak.
Kahit umatras ang biktima upang umiwas, hinabol umano ito at sinaksak sa dibdib gamit ang basag na bote.
Sinundan pa ito ng pamangkin na sinaksak naman ang biktima sa sikmura.
Nakapaglakad pa ang biktima upang humingi ng tulong ngunit kalaunan ay natagpuang wala nang buhay malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Agad na rumesponde ang pulisya matapos ireport ng isang residente ang krimen.
Naaresto sa follow-up operation ang pamangkin, habang isinuko naman ang kapitan ng kanyang kamag-anak na isang lokal na opisyal matapos ang manhunt operation.
Nahaharap sa kasong murder na inakyat mula sa homicide kung kaya’t hindi na sila maaaring makapagpiyansa.
Samantala, iniimbestigahan din ang naunang pagkakasangkot ng kapitan sa kasong tangkang pagpatay. REY VELASCO