MATINDI ang mga nagaganap ngayon sa pulitika sa Pinas.
May mga turuan na sa mga kikbakan, may paghuhugas-kamay pa.
At mga pinakamatataas na opisyal ng gobyerno ang gumagawa nito.
Noong Setyembre 4, 2024, walang kagatol-gatol na inihayag ni Vice President Sara Duterte na sina kapwa dating House of Representatives Speaker Martin Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang may hawak sa pambansang badyet ng Pilipinas.
Ibig sabihin, pwede nilang maniobrahin kung saan gagamitin ang pambansang badyet at pagkaperahan na rin, programmed o unprogrammed man ang mga pondo rito.
Sumunod ang Hulyo 28, 2025, itong “Mahiya naman kayo!” State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at pangunahing tumukoy na mga korap at mandarambong ang mga mambabatas pangunahin sa usaping flood control scandal.
Kaya naman, hinarang ni Ilocos Norte Congressman Sandro Marcos ang anomang imbestigasyon ng Kamara sa katwirang hindi nila pupwedeng imbestigahan ang mga sarili na inakusahan ng Pangulo na mga korap at mandarambong, kahit sa mga utang ng Pilipinas.
Noong Nobyembre 13, 2025, nagsimulang maglabas si Zaldy Co ng kanyang nalalaman sa mga daan-daang bilyon-bilyong pisong iskandalo at inginuso nito sina Romualdez at Pang. Marcos na may gawa nito ngunit walang napunta sa kanya.
Idinamay na rin ni Co si First Lady Liza Araneta-Marcos sa ismagling o kikbakan sa sibuyas, bigas at asukal at si Sandro sa pagkakasangkot sa bilyon-bilyong pisong kikbakan din sa flood control projects.
Ngayon naman, si Romualdez ang naghayag na sina Co at dating Senate President Chiz Escudero, kasama ang Executive Department at Department of Public Works and Highways, ang may sala sa lahat, sabay-sabing wala siyang kinalaman sa anomang kaaliwaswasan at hindi siya mangingiming maglalabas ng kanyang nalalaman kung kinakailangan.
Saan kaya tayo patutungo mula rito?






