NAGHAHALO na ang balat sa tinalupan sa pulitika.
Ang mga magkakasama, nagtuturuan, naglalaglagan na yata.
Tingnan ninyo.
BLOODBATH O MADUGONG GIYERA
Noong una, si Vice President Sara Duterte ang naghayag na handa siyang sumalang sa digmaang madugo o bloodbath sa mga nag-aakusa sa kanya ng katiwalian.
At handa siya maging sa impeachment na niluluto laban sa kanya upang hindi na ito makarating sa halalang presidensyal sa 2028.
Target siyang idiskwalipika bilang kandidatong Presidente, lalo’t nagdeklara na siya, at ito ngayon ang tumbok ng kasong impeachment.
Pero kaalinsabay naman nito ang bloodbath o madugong digmaan sa hanay mismo ng mga gustong sumibak kay Inday Sara.
Lumilitaw ngayon ang bloodbath sa pagitan nina mga dating Speaker Martin Romualdez, Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co at mismong si Pangulong Bongbong Marcos.
Siyempre pa, madadamay na ang lahat sa tatlong magbebespren.
SCAPEGOAT O SANGKALAN
Biglang nagsalita si Romualdez kamakalawa.
Sinabi nitong hindi siya dapat gawing scapegoat o sangkalan sa naglalabasang pinakamalaking korapsyon at pandarambong sa kasaysayan ng mahal kong Pinas.
Kung ano ang pinag-ugatan ng basta na lang pag-init ng bumbunan ni Romualdez ay siya lang ang nakaaalam nang malalim.
Subalit, ayon sa ating Uzi, maaaring kabilang dito ang pagpigil sa kanya ni Ombudsman Crispin Remulla na lumabas ng bansa at magpagamot ukol sa sakit niya sa puso sa Singapore.
Pinayagan siya ni Speaker Bojie Dy na lumabas ngunit pinigilan siya ni Remulla dahil umano sa nakaambang kasong plunder laban sa kanya at paghiling na rin ni Ombudsman na ilabas na ng Anti-Money Laundering Council ng freeze order sa kanyang mga ari-arian.
Isa pang dahilan ang inaasahang pagdating ni Zaldy Co, kung totoong nahuli ito sa Prague, Czech Republic, na matagal nang naglalabas ng pahayag na si Romualdez, kasama si Pang. Bongbong, ang utak ng pinakamalalaking kikbakan sa flood control projects at iba pang mga pagkaperahan.
May pag-aalala na baka hindi na babalik sa bansa si Romualdez kapag nakarating si Co na inaasahang magpapatunay ng akusasyon nitong si Romualdez ang tunay na kumita sa mga kikbakan.
‘Yan ay kung hindi babaligtad si Co.
Isa pang maaari umanong dahilan ni Romualdez ng pagsasalita ang posibleng paglaglag sa kanya mismo ni Pang. Marcos upang mailigtas nito ang sarili sa akusasyong korapsyon at pandarambong.
Dito nakakapa ang kahulugan ng salitang scapegoat o sangkalan.
Banta ni Romualdez, “Marami akong alam sa administrasyong ito!”
At sinabi nito nang diretsahan, handa ito makipagbardagulan kahit madugo o may bloodbath.
Kung saan hahantong ang lahat, mag-abang na lang tayo.
PAGGUHO NG BASURAHANG PULITIKA
Masasabing masahol pa sa basurahang mabaho at umaapoy gaya ng Navotas landfill ang nagaganap sa gobyerno ngayon.
Ilang araw nang umaapoy ang Navotas landfill ngunit tiyak na maapula rin ito.
Ngunit ang mabahong landfill sa pulitika na umaapoy ngayon, tiyak na hindi basta maaapula.
Maaaring tupukin nito ang maraming sangkot sa korapsyon at pandarambong.
Gayunman, pinakamahalaga sa lahat ang paglalabas ng katotohanan sa kikbakan sa una at ang taumbayan ang higit na makikinabang sa huli.
Kailangan talagang magiba na ang nakagawiang pagpapayaman sa pwesto ang pangunahing dahilan ng pagpasok sa pulitika at pamahalaan na siyang ikinamamatay, ikinahihirap at ikinawawalang-kinabukasan ng taumbayan.






