MANILA, Philippines – Arestado ang isang lalaki sa Maynila matapos magsumbong na siya ay dinukot at ninakawan, na kalaunan ay lumabas na gawa-gawa lamang upang itago ang pagkawala ng mahigit P65,000 sa online gambling na sana ay gagamitin para sa visa application.
Base sa ulat, unang nagtungo ang lalaki sa Barangay 105 sa Tondo at ini-report na siya ay umano’y kinidnap at ninakawan ng mga hindi kilalang suspek sa isang mall sa Ermita. Ayon sa kanya, ibinaba siya sa Mel Lopez Boulevard sa Tondo.
Agad siyang inasikaso ng mga tauhan ng isang police community precinct at dinala sa Ermita Police Station para sa kaukulang imbestigasyon.
Gayunman, ayon kay Manila Police District (MPD) Public Information Office chief Police Major Philipp Ines, lumabas sa pagsusuri ng CCTV footage na walang naganap na kidnapping o robbery sa mga lugar na kanyang tinukoy.
Kinumpirma ng mga awtoridad na gawa-gawa lamang ang insidente matapos ang backtracking ng mga CCTV sa mga pinangyarihan umano ng krimen.
Ayon sa pulisya, inamin ng lalaki na nagsinungaling siya matapos matalo ng mahigit P65,000 sa online gambling, na orihinal na nakalaan sana para sa kanyang visa application. Sinabi rin niyang ginawa niya ito upang hindi malaman ng kanyang asawa ang tungkol sa kanyang pagkatalo sa sugal.
Sa isang video na inilabas ng MPD PIO, humingi ng paumanhin ang lalaki at inamin na hindi niya inakala na magkakaroon siya ng kaso dahil sa kanyang ginawang maling ulat.
Ayon sa MPD, sasampahan ng kaukulang kaso ang lalaki dahil sa pagbibigay ng maling impormasyon sa mga awtoridad. RNT